"KABATAANG NALULONG SA MASAMANG BISYO"
Ano nga ba ang nangyayari sa mga kabataan ngayon? Sino nga ba ang dapat sisihin dito? Ang mga magulang? Ang mga teknolohiya? O ang mga tao na walang sinasanto na pati mga bata ay dinadamay sa mga ganitong bisyo? Bakit nga ba iba na ang henerasyon ng mga kabataan ngayon?
"Ang kabataan ang pag-asa ng bayan" iyan ay ang sikat na pangungusap mula sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Marahil ito ay totoo, ngunit naisip ko ano nalang ang magiging reaksiyon kung makita niya ang mga kabataan ngayon? Pabata ng pabata ang mga batang nalululong sa masamang bisyo. Talamak ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot gaya ng shabu at marijuana, pag-susugal at pati narin ang pag-inom ng alak. Dati pag naririnig natin ang salitang "adik" pumapasok sa ating isipan ay iyong mga tambay na ang edad ay bente o trenta pataas. Pero ngayon? Ultimo dose anyos ay nagiging laman ng balita dahil sa mga bagay na ito.
Ang ating kabataan ay ibang-iba na kung ikukumpara noon. Lubhang mapupusok na sila sa mga gawaing illegal at mabibilang nalang sa mga kabataan ang gumagawa ng mabuti. Ang masaklap pa nito, hindi lang kalalakihan maging kababaihan ay lulong narin sa mga ganitong bisyo. Iilan nalang ang sumusunod sa mga patakaran. Ngayon pano pa natin masasabi na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan? Kung sarili nila ay hindi nila kayang pahalagahan at nasisira ang kanilang pagkatao nang dahil sa bisyo. "Tayo ang Pag-asa ng bayan" tayo dapat ang magmumulat ng mga mata ng kabataan sa mga susunod sa ating yapak. Ipakita natin na karapat-dapat tayong mamuno sa pag-sulong ng ating bayan. Kahit na sino pa ang ating sisihin tayo lamang ang makakapag-pabago sa ating sarili. Maging masikap tayo at tumulong sa mga may katungkulan upang palaganapin ang batas.